Iimbitahan ni incoming Senate President Juan Miguel Zubiri si Senator-elect Robin Padilla sa isang “one-on-one meeting” anumang araw ngayong buwan.
Kasunod ito ng pangamba ng ilang mambabatas hinggil sa kakayahan ni Padilla na pamunuan ang Senate committee on constitutional amendments.
Ayon kay Zubiri, aalamin niya kay Padilla kung kakayanin niya ito at kung mayroon siyang legal team na aalalay at tutulong sa kaniya.
Aniya, wala naman sa mga panuntunan kasi na nagsasabi na ang constitutional amendments committee o maging ang Blue Ribbon panel ay dapat pamunuan ng isang abogado.
Paliwanag pa ni Zubiri, una na niyang inalok ang committee of constitutional amendments sa mga miyembro ng super majority ngunit walang kumuha at tanging si Padilla lang.
Tiniyak naman ni Zubiri na magpapatawag siya ng caucus sa huling linggo ng Hunyo upang pag-usapan ang isyu ng committee chairmanship sa huling pagkakataon.
Nabatid na simula 1986 na sumasakop sa 8th Congress hanggang sa taong 2022 na sumasaklaw sa 18th Congress, ang mga bihasang abogado na naging mga senador ang namuno sa Senate constitutional amendments panel.