Senado, agad na mag-i-schedule ng imbestigasyon kapag naaresto na si Pastor Quiboloy

Agad na mag-i-schedule ng imbestigasyon ang Senado oras na maaresto si Pastor Apollo Quiboloy.

Kasunod na rin ito ng paglalabas ng arrest order ng Senado kung saan ipinag-uutos na ang pag-aresto kay Quiboloy.

Ayon kay Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Risa Hontiveros, oras na ganap na maaresto ng Senate Sergeant-at-Arms ang pastor ay makakapag-schedule na ang kanyang komite ng pagdinig para mapadalo na rin sa wakas si Quiboloy at mapakinggan din ng panel ang mga sagot nito.


Aniya pa, kahit naka-session break ay magtatakda sila ng pagdinig tungkol sa mga reklamo ng pang-aabuso ni Quiboloy sa mga myembro ng Kingdom of Jesus Christ.

Sinabi pa ni Hontiveros na wala naman siyang schedule ng pag-alis ng bansa ngayong Holy Week break kaya sana ay hindi tumakas si Quiboloy.

Panawagan ng senadora sa Bureau of Immigration, bantayang mabuti ang mga boarders upang hindi makatakas ang pastor.

Hindi naman matiyak o mahulaan ni Hontiveros ang eksaktong kinaroroonan ni Quiboloy pero ang lahat ng imbitasyon, subpoena at show cause order ay ipinadala at tinanggap naman sa address ng pastor sa Davao City.

Facebook Comments