Manila, Philippines – Kumpiyansa si Senate President Tito Sotto III na magiging mahusay ang working relations ng Senado sa Kamara.
Pahayag ito ni Sotto makaraang isulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang term sharing sa house speakership kung saan unang Congressman Alan Peter Cayetano sa pagbubukas ng 18th Congress sa July 22.
Sabi ni Sotto, dating senador si Cayetano na matagal nilang nakasama kaya alam nito ang sistema sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Tiwala din si Sotto na alam ni Cayetano kung paano magtrabaho at magpasa ng mga panukalang batas ang mga senador.
Sa Senado naman ay nagkasundo na ang mga senador na kasapi ng mayorya na panatilihin sa pwesto si Sotto.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, sa pagbubukas ng session ay magiging bahagi na lang ng pormal na proseso na muling ihalal si Sotto bilang kanilang pangulo.