Pinag-aaralan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagbuo ng tracker team na mag-iinspeksyon sa mga proyekto ng National Irrigation Authority (NIA) at sa iba pang ahensyang may alegasyon ng katiwalian.
Kasunod na rin ito ng naging privilege speech ni Senator Raffy Tulfo kung saan ibinulgar nito ang korapsyong nangyayari sa NIA partikular na sa pagkuha ng contractor, mga hindi natatapos na proyekto at mga ghost project.
Ayon kay Zubiri, kailangan na nilang tumulong sa Senado dahil sa lumalalang katiwalian sa ilang mga ahensya.
Nais ng senador na masigurong hindi napupunta sa katiwalian ang pondo ng gobyerno sa mga ibinibidang proyekto ng mga bolerong pulitiko at kalauna’y malalaman na naibulsa na pala at hindi na natapos ang proyekto.
Plano ni Zubiri na lumikha ng tracker team na bubuuhin ng mga staff ng Senado kung saan ang mga ito ang susuri kung tunay o guni-guni lang ang mga infrastructure projects na hinihingan ng mga ahensya ng pondo sa Kongreso.
Kinatigan naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang balak ni Zubiri na pagbuo ng tracker team at ang pagpapaimbestiga ni Tulfo sa katiwalian sa NIA dahil kaduda-duda aniya na matapos aprubahan ng Kongreso noong nakaraang taon ang 2023 budget ng ahensya na aabot sa P40 billion ay sunod naman na nagkaroon ng ‘power struggle’ o pag-aaway-away sa pamunuan ng NIA.