Tiniyak ni Senator Sonny Angara na babantayan nila sa Senado ang implementasyon at paggugol sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP na may P26.7 billion na pondo sa ilalim ng 2024 national budget.
Ayon kay Angara, anumang oras ay maaari nilang gamitin ang oversight power upang mabusisi kung wasto o may katiwalian sa paggastos sa pondo ng taumbayan.
Partikular na aalamin ng Senado kung saan ginamit ang pondo, paano ito ginastos, sino ang mga tumanggap at saang mga lalawigan inilagay ang pondo.
Sinabi pa ni Angara na nakita nila sa 2024 budget ang naturang programa at ang nakalagay pa lang noon ay anti-poverty program tulad sa AICS at posibleng nilagyan na lang ng pangalan na AKAP upang may branding mula sa Kamara.
Umaasa naman si Angara na hindi magagamit ang AKAP at hindi magpapagamit ang mga ahensya ng gobyerno at mga director ng mga bureau sa People’s Initiative dahil ito ay para sa mga tao.