Hihilingin ng Senado kay Pangulong Bongbong Marcos ang pagtatalaga ng isang opisyal na tututok sa Mindoro oil spill.
Ito ay matapos mapuna kahapon sa pagdinig ni Senate President Pro-Tempore Loren Legarda na mistulang kaniya-kaniya sa kanilang mga diskarte ang mga ahensya ng gobyerno at ang lokal na pamahalaan sa pagresolba at pagtugon sa epektong idinulot ng tumagas na langis mula sa lumubog na MT Princess Empress.
Dahil dito, humirit si Legarda na magtalaga ang ehekutibo ng isang tao na siyang magiging tagakumpas upang magkaroon ng maayos na koordinasyon ang bawat ahensya sa mga kalamidad at emergency situation gaya ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Nangako naman si Senator Cynthia Villar, Chairman ng Senate Committee on Environment, na ipaaabot niya ito kay Pangulong Marcos.