Hihingi ng tulong ang senado sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para hanapin ang nagmamay-ari ng isang dialysis center na tumanggap ng 45 milyong piso mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pamamagitan ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Paliwanag ni Senator Panfilo Lacson, hindi naka-rehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang nasabing dialysis center kaya kailangan nilang makipagtulungan sa AMLC para ma-trace ito.
Kasabay nito, kayang linisin sa loob ng anim na buwan ang korapsyon sa loob ng PhilHealth.
Ito ang sinabi ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica taliwas sa pahayag ni PhilHealth President and CEO Ricardo Morales, na hindi kaya ang isang taon para linisin ang ahensiya.
Giit ni Belgica, maraming I.T. providers ang nag-aalok ng libreng serbisyo para tulungan ang PhilHealth.
Bukod dito, ang mga I.T. experts na rin aniya ang nagsabing kayang ayusin ang I.T. system ng ahensiya kasama na ang pagkakaroon ng validation mechanisms para maiwasan na ang mga fraud claims.