Senado, hihintayin ang pag-aresto ng korte kay Pastor Apollo Quiboloy bago imbitahan sa imbestigasyon

Hihintayin ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na maaresto nang tuluyan ng korte si Pastor Apollo Quiboloy bago hilingin ang pagpapadalo rito sa pagdinig ng Senado.

Ayon kay Senate President Chiz Escudero, nagpapatuloy pa rin ang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality at naantala lamang dahil hindi pa matunton si Quiboloy.

Kung titimbangin naman aniya ang subpoena na inisyu ng Senado laban kay Quiboloy at sa arrest warrant na inisyu ng korte, hindi aniya malayong mas matimbang ang arrest warrant na inilabas ng husgado at korte.


Sinabi ni Escudero na tiyak unang maipatutupad ang arrest warrant ng korte at pagkatapos itong ma-implement ay saka na lamang hihiling si Senator Risa Hontiveros, Chairperson ng komite na nag-iimbestiga sa mga reklamo kay Quiboloy o kaya ang Senado na padaluhin si Quiboloy sa pagdinig ng Mataas na Kapulungan.

Kaninang madaling araw ay isinilbi na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang arrest warrant laban kay Quiboloy sa loob ng Kingdom of Jesus Christ Dome sa Davao City.

Facebook Comments