Hihintayin ng Senado ang forensic report ng Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) para magkaroon ng mas malinaw na larawan kung ano talaga ang nangyari noong mga oras na nagka-aberya sa air traffic system sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Tugon ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa tanong kung may nakikita na ba silang dapat managot sa nangyaring aberya sa NAIA noong Enero 1 matapos ang ginawang pagdinig ng Senado.
Ayon kay Zubiri, sa halip na masagot ang naging sanhi ng insidente ay mas nagbukas lang sa mas maraming katanungan ang mga general statement na inihayag ng mga airport official.
Kabilang na rito ang maintenance ng air traffic equipment at ang isyu ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa kompanyang nag-install ng nasabing kagamitan.
Dahil dito, hihintayin muna aniya ng mataas na kapulungan ang forensic report para malaman kung human error o kapabayaan ang nangyari, kung pagpalya ng equipment, o sabotahe ang sanhi ng insidente.