Hindi pa mai-transmit sa ngayon ng Senado sa Palasyo ang kopya ng inaprubahang Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Ito ay dahil nasa Estados Unidos pa si Senate President Juan Miguel Zubiri at hindi pa malagdaan ang final copy ng panukalang MIF.
Ayon kay Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito, tapos nang ayusin at linisin ang pinal na bersyon ng MIF Bill na ipapasa sa Malacañang para sa pirma ni Pangulong Bongbong Marcos.
Dahil wala pa si Zubiri ay sinabi ni Ejercito na isa sa ikinukonsidera ay ipadala ang kopya ng bill sa Senate Secretary sa US para malagdaan na ni Zubiri.
Tiwala naman ang senador na pag-aayos lang ng typographical error ang ginawa ng secretariat sa paglilinis ng MIF Bill at walang ibang binago.
Pagtitiyak ng senador na hindi binago ng Senate secretariat ang diwa ng panukalang batas na inaprubahan ng Mataas na Kapulungan.