Hindi tutol si Senate President Juan Miguel Zubiri sa balak na pagkwestyon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa ipinasang P5.768 trillion na 2024 national budget.
Inihayag ni Pimentel na pinag-aaralan na ang legality ng pambansang pondo matapos nitong kwestyunin kung bakit tumaas ng husto ang pondo sa unprogrammed funds mula sa P281 billion sa P730 billion.
Ayon kay Zubiri, ang planong pagkwestyon ng kampo ni Pimentel sa 2024 budget sa Korte Suprema ay prerogative o kaukulang karapatan ng minority leader.
Pero katwiran dito ni Zubiri, sa mga panahon na siya ay naging mambabatas, 21 budgets na ang kanyang napagdaanan at halos kalahati rin ng 21 budget na ito ay mayroong ‘unprogrammed funds’.
Ang mahalaga aniya rito ay ‘line item’ ang mga unprogrammed funds na naghihintay lamang ng budget kapag mayroong sobrang pondo mula sa gobyerno.
Paglilinaw pa ni Zubiri, ang batid niyang ipinagbabawal ng Korte Suprema sa budget ay ang mga lump sum katulad ng Development Assistance Program (DAP) na mas kilala noon na pork barrel.
Nauna ring nilinaw ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na wala silang nilabag sa 2024 national budget dahil ang bawal lang dagdagan ng appropriations ay ang mga programmed funds na tukoy na ang mga proyekto at tiyak na ang pondo.