Senado, hinikayat ang DSWD at DOLE na madaliin ang pagbibigay ng tulong sa mga apektado ng oil spill sa Mindoro

Hinimok ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) na bilisan ang pagbibigay ng tulong sa mga residente at mga pamilya na apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.

Hiniling ni Angara ang agad na pagpapaabot ng tulong sa mga apektadong mamamayan matapos na ideklara ang ‘state of calamity’ sa 77 coastal barangays sa Oriental Mindoro kung saan batay pa sa datos ng DSWD, humigit kumulang 20,000 pamilya ang apektado na ng oil spill.

Tinukoy ni Angara na maaaring gamitin para pang-ayuda sa mga apektadong pamilya ang P37 billion na nakapaloob sa Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances (PSFIDC) at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD.


Pinamamadali ng senador ang DSWD sa pag-download ng pondo para sa mga apektadong pamilya upang matulungan sila sa mga gastusin sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, transportasyon at medical services.

Bukod sa mga programang ito ng DSWD, agad ding pinakikilos ng senador ang DOLE para sa pagbibigay ng emergency employment sa mga residenteng nawalan ng kabuhayan dahil sa oil spill sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program na may P20.1 billion na pondo para sa taong ito.

Iminungkahi ni Angara na ilan sa mga pwedeng trabaho na ibigay sa mga residente ng Oriental Mindoro ay ang paglilinis ng nagkalat na langis sa lugar kung saan kikita na ang mga mamamayan, makakatulong pa sila para maibalik sa normal ang sitwasyon ng buong komunidad.

Sa ilalim ng TUPAD, ang emergency employment para sa mga displaced, unemployed at seasonal workers ay tatagal ng 10 hanggang 30 araw.

Facebook Comments