Senado, hiniling na sa Malakanyang ang pagpapatawag ng pulong ng LEDAC at pagtatalaga ng bagong kalihim ng PLLO

Hinimok ng mga senador ang Malakanyang na magpatawag na ng pulong ng Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC at agad na ring magtalaga ng kalihim ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO).

Ito ay matapos na magkakasunod na na-veto ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr., ang mga panukalang batas na inihain sa 18th Congress.

Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na iginagalang nila sa Kongreso ang prerogative ng pangulo na mag-veto o hindi aprubahan ang pagsasabatas ng isang panukala ngunit nagdudulot naman ito ng ‘unnecessary strain’ o nakakaapekto sa relasyon ng lehislatura at ehekutibo.


Dahil dito, kailangan ng koordinasyon at maayos na komunikasyon sa pagitan ng palasyo at Kongreso upang maiwasan ang palaging pag-veto ng pangulo sa mga panukala.

Samantala, sinabi naman ni Zubiri na nakausap na niya sina Executive Secretary Vic Rodriguez at Special Assistant to the President Anton Lagdameo na nangakong ikakasa na ang LEDAC meeting at nagsabi na may pinagpipilian na rin para maging bagong PLLO Secretary.

Matatandaang 5 panukalang batas ang na-veto ni PBBM kabilang dito ang tax exemption sa allowances at honoraria ng mga gurong nagsilbi nitong halalan, paglikha ng Philippine Transportation Safety Board at Bulacan Airport City Special Economic Zone, gayundin ang pagpapalakas sa kapangyarihan ng Office of the Government Corporate Counsel at pagpapalawig ng prangkisa ng isang power distribution utility sa Davao.

Facebook Comments