Senado, iginagalang ang pagdedeklara ng Korte Suprema na ‘unconstitutional’ ang 5% franchise tax sa POGO sa ilalim ng Bayanihan 2 at iba pang revenue circulars

Iginagalang ng Senado ang desisyon ng Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang probisyon ng Bayanihan 2 Law at iba pang revenue circulars na nagpapataw ng 5% franchise tax sa gross bets o turnover ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, nirerespeto nila ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman lalo’t tinapos na ang usapin sa nararapat na pagbubuwis ng offshore gaming activities.

Kinikilala rin ng Mataas na Kapulungan na nagkaroon ng debate sa pagpapataw ng franchise tax sa POGOs dahil nasundan ito ng pagsasabatas ng Republic Act 11590 o “An Act Taxing Philippine Offshore Gaming Operations”.


Magkagayunman, binigyang diin ni Zubiri na mahalagang silipin ng pamahalaan ang polisiyang ipinapatupad sa POGO.

Kinakailangan aniyang magsagawa ng malalimang review sa mga positibo at negatibong epekto ng operasyon ng mga POGO sa bansa.

Iginiit ito ni Zubiri bunsod na rin ng madalas na pagkakasangkot ngayon ng mga POGO sa abduction, kidnapping at iba pang krimen.

Facebook Comments