Senado, iginiit na dapat may managot sa isinagawang fire drill sa isang paaralan sa Cabuyao, Laguna

Pinatitiyak ni Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian na may mananagot sa nangyaring fire drill sa Cabuyao City sa Laguna kung saan mahigit 100 estudyante ang naisugod sa ospital matapos mahilo at himatayin dahil sa sobrang init.

Giit ni Gatchalian, “common sense” na kapag ibinilad sa araw ang isang tao ay talagang made-dehydrate at magkakaroon ito ng problema.

Mayroon aniyang patakaran sa mga drill na dapat sinusunod ng mga paaralan at dapat na palaging ikinokonsidera ang kaligtasan ng mga bata.


Sinita pa ni Gatchalian na ang ginawang surprise fire drill ay hindi parte ng procedure ng Department of Education (DepEd) at ng kahit anong drill kung saan ibinilad ng matagal sa init ng araw ang mga mag-aaral.

Paliwanag ng senador, ang drill tulad ng earthquake drill na ginagawa ng Senado, ay pupunta sa isang ligtas lugar at babalik din agad sa rooms o sa gusali at hindi kasama roon na ibibilad ng matagal sa init ng araw.

Pinasisilip ni Gatchalian sa DepEd ang nangyari dahil mga estudyante ang biktima at sa loob ng paaralaan naganap ang insidente at pinasisiguro na may mapapanagot sa mapapatunayang responsable sa paglabag ng procedure ng drill.

Facebook Comments