Umaasa si Basilan Rep. Mujiv Hataman na magpapasa na rin ang Senado ng sarili nitong bersyon ng National Hijab Day Bill na naunang ipinasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong 2022.
Ang apela ni Hataman sa Senado ay kasunod ng naging pagdiriwang ng World Hijab Day kamakailan.
Nakapaloob sa House Bill No. 5693 na ipinasa ng Kamara ang pagdeklara sa February 1 ng bawat taon bilang National Hijab Day.
Layunin nito na maimulat ang mamamayan sa kahalagahan ng pagsusuot ng hijab na isa ring instrumento para labanan ang diskriminasyon base sa relihiyon.
Sa ilalim ng panukala ay pangunahing kinikilala ang mahalagang papel ng kababaihan sa paglikha ng isang matatag na bansa at ang pangangailangan na masigurong nakasaad sa batas ang pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan.
Sakaling maisabatas ay hihikayatin ng panukala ang mga Muslim women at non-Muslim women na magsuot ng hijab tuwing sasapit ang unang araw ng Pebrero ng upang maihayag ang karapatan ng mga kababaihan at ang tradisyon ng mga Muslim sa pagsusuot ng hijab.