
Inilatag na ng Senado ng proposed calendar o timetable para sa panahon na gugugulin ng impeachment court oras na simulan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Batay sa inilabas na kopya ng panukalang impeachment calendar ni Senate President Chiz Escudero para sa paglilitis kay VP Sara, sa muling pagbabalik-sesyon sa June 2, ganap na alas tres ng hapon, ay ipiprisinta ng prosecutors ang Articles of Impeachment at aaprubahan din ang Revised Rules of Procedure ng impeachment trial.
Sa June 3 alas-9 ng umaga ay mag-co-convene na ang Senado bilang impeachment court at papanumpain ang mga incumbent senator judges; June 4 ay mag-iisyu na ng summon kay VP Sara; June 14 hanggang June 24 ang pagtanggap ng mga pleadings o mga sagot ng kampo ni VP Sara at ng prosekusyon; at sa June 24 hanggang June 25 naman itatakda ang pre-trial.
Pagsapit naman ng July 28, ang pagbubukas ng unang regular session ng 20th Congress, ay State of the Nation Address (SONA) naman ni Pangulong Bongbong Marcos at dito ay papasok naman ang 12 mga bagong senador.
Sa July 29 naman ay manunumpa ang mga bagong halal na senador na uupong huwes sa paglilitis.
Sa araw na ito ay sisimulan na ang impeachment trial alas-9 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon para bigyang daan ang plenary session sa alas-3 ng hapon.
Target ng impeachment court na simulan sa July 30 ang mismong trial o paglilitis laban kay VP Sara.
Paliwanag ni Escudero, hinati na nila ang oras ng trial at sesyon para magampanan nila ang trabaho bilang legislative body at maipasa ang mga mahahalagang panukalang batas lalo na ang inaasahang pagtalakay ng pambansang budget.









