Senado, inirekomenda sa DOE at mga LGU ang pagkakaroon ng temporary generation equipment kasunod ng pambobomba sa NGCP tower sa Lanao

Iminungkahi ni Senator Raffy Tulfo sa Department of Energy (DOE) at sa mga Local Government Unit (LGU) na magkaroon ng sapat na kagamitan para hindi maputol ang serbisyo ng kuryente lalo na sa mga lugar na may insurgency.

Ang rekomendasyon ni Tulfo ay kaugnay na rin sa nangyaring pambobomba kahapon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) tower na nakaapekto sa Baloi-Aurora transmission line at nagdulot ng malawakang power interruption sa buong Zamboanga Peninsula, Misamis Occidental at ilang bahagi sa Lanao del Norte.

Ayon kay Tulfo, dapat ay mayroong naka-standby na temporary generation equipment partikular na sa mga lugar na nakakaranas ng karahasan dahil sa insurgency.


Sinabi ng senador na ang ganitong insidente ay matatawag ding isang ‘national security risk’ dahil naapektuhan ang mga serbisyo tulad sa ospital, opisina ng pulisya, sandatahang armas at iba pang emergency services na nakadepende sa pagkakaroon ng kuryente.

Makikipag-ugnayan din si Tulfo sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) upang mapalagyan ng “perimeter protection” ang lahat ng transmission facilities upang maiwasan ang kahalintulad na pagatake.

Tiniyak din ng senador ang paglalaan ng dagdag na pondo para mapabilis ang pagresponde ng NGCP, AFP at PNP sa mga parehong insidente.

Facebook Comments