Isinusulong ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., ang isang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng 13th month pay ang mga contractual worker ng gobyerno.
Nakapaloob ito sa Senate Bill 1621 kung saan iginiit ni Revilla na hindi bonus ang 13th month pay kundi isang obligasyon ng mga employer base na rin sa nakasaad sa Presidential Decree 851.
Sa ilalim ng naturang kautusan, lahat ng mga employer sa pribadong sektor ay obligadong magbigay ng 13th month pay sa rank-and-file employees kumita man o hindi ang kompanya.
Pinunto ng senador na dapat lang mabigyan ng 13th month pay ang mga contractual at job order employee ng gobyerno dahil nagsisilbi rin naman sila sa bayan gaya ng mga regular na empleyado.
Makatutulong rin aniya ito na makaagapay sila sa patuloy na tumataas na presyo ng mga bilihin.
Nakapaloob sa panukala ni Revilla na ang sakop nito ay mga nagsisilbi sa gobyerno sa ilalim ng contract-of-service scheme o job order arrangement.