Nagdaos pa rin ng pagdinig ang Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes patungkol sa pagpapatawag ng Constitutional Convention (ConCon) para sa pag-amyenda ng probisyon ng 1987 Constitution.
Matatandaang ang ConCon para sa Charter Change (Cha-Cha) ay isinusulong at unang nakalusot na sa Kamara habang ito ay taliwas naman sa itinutulak ng Senado na pagpapatawag ng Constituent Assembly (Con-Ass) para sa pag-amyenda ng economic provisions ng Saligang Batas.
Ang public consultation para sa panukalang pagpapatawag ng Con-Ass para sa Cha-Cha ay tinapos na noong nakaraang linggo ng Senado kung saan isinagawa ang mga pagdinig sa Baguio, Davao at Cebu.
Sa ngayon ay tinatapos pa lang ng komite ang committee report sa pagpapatawag ng ConAss para sa Cha-Cha at kahit tutol sa ConCon ay nagdesisyon pa rin si Constitutional Amendments Chairman Senator Robin Padilla na magsagawa ng pagdinig ngayong araw tungkol dito para malaman ang saloobin ng mga proponents ng ConCon.
Napag-alaman naman na kanselado ang imbitasyon sa mga kongresista na nagsusulong ng ConCon tulad ni House Committee on Constitutional Amendments Cong. Rufus Rodriguez at iniurong na lamang ito sa ibang petsa.
Sa pagdinig ang humarap ay sina dating Senator Francisco “Kit” Tatad at PDP Laban Secretary General Melvin Matibag.
Kung si Tatad ang tatanungin, panahon na aniya para amyendahan ang Konstitusyon dahil ito ay binuo ng mga kinatawan na “handpicked” ni dating Pangulong Cory Aquino at hindi dumaan sa paghahalal ng taumbayan ng mga delegado na siyang dapat na sundin sa ilalim ng ConCon.
Bukod dito, ang framework at mga salita rin sa 1987 Constitution ay hindi klaro kaya nagkakaroon ng problema dahil sa nagiging kanya-kanya ang interpretasyon.