Senado, kinalampag ng Kamara na aprubahan na rin ang pagbaba sa “optional retirement age”

Nanawagan si ACT TEACHERS Partylist Representative France Castro sa mga kapwa mambabatas sa Senado na aprubahan na rin ang panukala para sa pagbaba ng optional retirement age para sa mga kawani ng gobyerno.

Sa ipinasang panukala sa Kamara, mula sa 60 taong gulang ay ibinaba sa 56 taong gulang ang optional retirement age sa mga empleyado ng pamahalaan.

Ayon kay Castro, dapat na maaprubahan na rin ng Senado ang kanilang bersyon ng panukala lalo ngayong may COVID-19 pandemic.


Paliwanag ng kongresista, mahalagang mabigyan ng pagpipilian ang government employees na makapagretiro ng maaga lalo na ang mga maysakit at nangangailangan ng medikal na atensyon ngayong humaharap sa health crisis ang bansa.

Dagdag pa ni Castro, ang lowering optional retirement age na isinusulong para sa mga taga-gobyerno ay hindi makakaapekto sa workforce ng pamahalaan dahil marami pa rin ang gustong magtrabaho hanggang sa umabot sa mandatory retirement age na 65 taong gulang.

Facebook Comments