Binigyang pagkilala at parangal ng Senado ang limang rescuers na nasawi habang nasa rescue operation sa San Miguel, Bulacan sa kasagsagan ng Super Typhoon Karding.
Apat na magkakahiwalay na resolusyon ang inihain dito nina Senators Joel Villanueva, Robin Padilla, Bong Revilla at Lito Lapid.
Nakasaad sa Resolution 240 ni Villanueva na bigyang papuri at pagkilala ang “extraordinary heroism” ng limang rescuers na miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nasawi sa gitna ng kanilang pagtupad sa tungkulin.
Sa Resolution 235 naman ni Lapid, kinikilala ang katapangan, pagiging makatao at pagmamalasakit sa kapwa ng mga nasawing rescuers na sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Jersob Resurrection at Narciso Calayag Jr.
Sinabi ni Lapid na ang ipinamalas na kabayanihan ng mga rescuers ay sumasalamin sa pagmamahal sa bayan, sa kapwa tao at isang inspirasyon sa kanilang mga kapwa rescuers at mga kapwa lingkod-bayan.
Nakasaad naman sa Resolution 234 ni Padilla na kapuri-puri at dapat na magsilbing inspirasyon ang ipinakitang dedikasyon, tapang at commitment sa serbisyo publiko ng mga ito.
Sa inihain namang Resolution 233 ni Revilla, iginiit na dapat parangalan ang kabayanihan ng mga rescuers na isinakripisyo ang kanilang mga buhay mailigtas lamang ang kapwa sa gitna ng Bagyong Karding.
Nagpaabot din ng pakikidalamhati ang Senado sa mga naulilang pamilya ng mga nasawing rescuers.