Senado, magsasagawa ng caucus hinggil sa pagsasapubliko ng SALN; ilang senador, pabor na ilabas ang listahan ng mga ari-arian

Magdaraos ng caucus ang mga senador para hingiin ang permiso sa pagsasapubliko ng kanilang mga state of assets, liabilities and networth (SALN).

Ito ay matapos alisin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang mahigpit na rule na ipinataw noong Duterte administration sa paglalabas ng SALN ng mga taga-gobyerno.

Ayon kay Senate President Tito Sotto III, hindi na bago para sa mga senador ang pagsasapubliko ng kanilang mga SALN lalo’t noong 18th Congress na siya rin ang Senate President ay inilalabas nila ito pero, ito ay subject sa individual approval o pagsangayon ng bawat mambabatas.

Kung si Sotto naman ang tatanungin, anumang oras ay handa siyang ibigay ang kanyang SALN.

Sangayon naman ang ilang senador na bigyan ng access ang publiko sa kanilang SALN.

Sinabi ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito, napapanahon ito dahil nais ng taumbayan ng transparency sa gitna na rin ng isyu ng maanomalyang mga flood control projects.

Maging si Senator Kiko Pangilinan ay sang-ayon din sa pagsasapubliko ng SALN ng mga opisyal ng pamahalaan dahil klaro namang nakasaad ito sa batas.

Facebook Comments