Inihayag ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na magiging bahagi ng pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado ukol sa vaccination program ang pagsasagawa ng executive session.
Ayon kay Zubiri, sa ngalan ng transparency ay aalamin nila ang tunay na presyo ng mga COVID-19 vaccines.
Paliwanag ni Zubiri, kailangang itong idaan sa executive session upang hindi malabag ang non-disclosure agreement ng gobyerno sa mga vaccine manufacturers.
Magugunitang sa pagdinig ng Senado noong Lunes ay sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na hindi nila maisapubliko ang presyo ng bakuna ng Sinovac na bibilhin ng gobyerno dahil sa non-disclosure agreement.
Pero giit ni Zubiri, dapat magkaroon ng transparency sa pagbili ng bakuna dahil pera ng taumbayan ang gagamitin at kailangan din itong suriin ng Commission on Audit.