Senado, magsasagawa ng inspeksyon sa air traffic system ng CAAP

Magsasagawa ng ocular inspection ang mga senador sa Lunes para inspeksyunin ang air traffic management center ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Pangungunahan ang inspeksyon na ito ni Senator Grace Poe na Chairman ng Senate Committee on Public Services na siyang dumidinig sa naging aberya sa air traffic system ng CAAP na nangyari noong Enero 1 na nagparalisa sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa pagdinig ng Senado, nabitin ang mga senador sa naging paliwanag ng mga opisyal ng CAAP patungkol sa naging aberya na itinuturo ng mga ito sa pagkasira ng isa sa mga circuit breaker ng air traffic management center.


Maliban dito, wala ring CCTV ang pinaglalagyan ng mga kagamitan para sa air traffic management system at saka lamang nag-install ng CCTV noong nasita ito ng mga senador.

Naniniwala ang mga mambabatas na makakatulong sana kung may CCTV na noong una para nakuhaan ang pangyayari sa loob ng air traffic system.

Napagalaman din na hindi pa naiimbestigahan ang posibilidad ng cyber-attack dahil walang kagamitan para rito ang Department of Information and Communications Technology (DICT).

Samantala, ipinadadagdag ni Senator Francis Tolentino ang hiwalay pang aberya sa NAIA noong Chinese New Year kung saan naantala rin ang mga flight at kabilang ang senador sa mga sakay ng eroplano na dalawang oras lang na nakatengga sa runway ng paliparan.

Facebook Comments