Senado, mas pagbubutihin pa ang trabaho matapos makakuha ng pinakamataas na +68 satisfaction rating sa latest SWS survey

Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na higit na pagbubutihin ng Senado ang kanilang trabaho matapos makakuha ng +68 satisfaction rating sa pinakahuling Social Weather Station (SWS) survey na isinagawa noong December 10 hanggang 14, 2022.

Ang nakuhang rating ng Senado ngayon ang pinakamataas na net satisfaction rating mula pa noong 1988 at mas mataas din ito ng 5 percent sa rating noong ikatlong quarter ng 2022.

Nagpapasalamat si Zubiri sa publiko dahil sa tiwalang ibinigay sa kanila gayundin sa buong Senado bilang isang institusyon.


Ayon kay Zubiri, palagi nilang pinagsusumikapan na pagtibayin ang Senado bilang pangunahing institusyon ng demokrasya at nakakatuwa aniyang malaman na hanggang ngayon ay patuloy nilang naisasabuhay ang tiwalang ibinibigay ng publiko.

Binanggit pa ni Zubiri na mula rin noong 1980s ay naging consistent ang Senado sa pangunguna sa public satisfaction ratings patunay na may lugar sa puso ng mga Pilipino ang Mataas na Kapulungan sa mga pinagkakatiwalaang institusyon.

Kinilala naman ng Senate leader na dahil sa team effort ng buong Senado kaya aniya naging produktibo ang kanilang trabaho na naging daan para maisabatas ang limang panukala kabilang ang SIM Registration Act, pagpapaliban sa Barangay at SK Elections, at ang 2023 national budget.

Facebook Comments