Nagpaabot ng pakikiramay ang liderato ng Senado sa pamilya ng yumaong dating Pangulong Fidel Valdez Ramos.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, nawalan ang bansa ng isa sa mga pinakamahuhusay na lider na nagbigay daan para kilalanin ang bansa na Asian tiger ng dekada 90.
Higit sa lahat, nag-iwan din aniya si Ramos ng malaking marka sa usaping pangkapayapaan na kaniya umanong hinahangaan bilang isa ring Mindanaoan dahil matapang itong nakipagkita sa MNLF at iba pang armadong grupo noon.
Para kay President Pro-Tempore Senator Loren Legarda, utang natin kay dating Pangulong Ramos ang “tiger economy status” ng bansa.
Sinabi ni Legarda na kay Ramos niya natutunan ang “complete staff work” at ang ideya na tumakbo noon sa Senado.
Si Ramos din aniya ay isang disiplinadong lider at nagawang pagkaisahin ang iba’t ibang paksyon sa kabila ng pagiging minority president nito noon.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Majority Floor Leader Sen. Joel Villanueva at palagi aniyang maaalala si dating Pangulong Ramos sa pagsusulong nito sa Pilipinas patungo sa bagong milenyo.
Hindi rin aniya makakalimutan ang iconic na ‘thumbs up sign’ nito at ang kaniyang “Kaya Natin” mentality na patuloy na magbibigay inspirasyon sa mga Pilipino para magsulong ng kaunlaran sa bansa.