Senado, nagpatibay ng resolusyon na nagpapahayag ng pagka-dismaya sa China

Pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na nagpapahayag ng pagkadismaya sa ginawang pambubully nanaman ng China sa bansa.

Nag-adopt agad ng “unnumbered resolution” ang mga senador matapos ang ipinakitang video ni Senator Francis Tolentino ng isang insidente noong Nobyembre sa West Philippine Sea kung saan pinutol ng Chinese Coast Guard ang lubid na pinanghatak ng Philippine Navy sa bumagsak na debris mula sa rocket ng China.

Matapos ang privileged speech ni Tolentino ay sunud-sunod nang nagsitayuan sa plenaryo at nagpahayag ng dismaya at galit ang mga senador.


Sinabi ni Senate President Pro-Tempore Loren Legarda na bawal ang bully sa mundo at nais niyang marinig ng China ang malinaw na mensaheng ito.

Binigyang-diin naman ni Senator Ronald Bato dela Rosa na kung nakikinig man ang mga Chinese ay nais niyang iparating na galit na ang mga mambabatas at punung-puno na sa mga pinaggagawa ng China sa bansa.

Bago aprubahan ang resolusyon ay nagpahayag si Senate President Juan Miguel Zubiri na sobrang dismayado na ang mga senador sa partikular na insidente ng pambubully ng mga Chinese sa mga Pilipino.

Kaugnay naman sa resolusyon ay nagpahayag ng pagiging co-author ang lahat ng mga senador.

Facebook Comments