Senado, nakaantabay sa pagsertipika ng Malacañang bilang urgent sa panukalang bubuo ng COVID-19 Indemnification Fund

Hinihintay ng Senado ang certification as urgent ng Malacañang para sa panukalang Vaccination Program Act na nagpapabilis sa pagbili at maayos na distribusyon ng COVID-19 vaccines at nagtatakda ng 500-million pesos na indemnity fund.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, kapag nailabas ng Malacañang ngayong hapon ang certification, ay maaari na nilang agad maipasa sa 3rd reading ang Indemnification Bill.

Kasunod nito ay maisasalang na sa Bicameral Conference Committee ang panukala para ngayon o sa susunod na linggo ay maratipikahan na ng dalawang Kapulungan at mapapirmahan na kay Pangulong Rodrigo Duterte upang maging ganap nang maisabatas sa loob din ng buwang ito.


Binanggit ni Zubiri na nakapaloob sa panukala ang “no fault” clause o immunity from liability ng lahat ng magiging bahagi ng COVID-19 vaccination program dahil nasa ilalim ng emergency use authorization ang mga bakunang gagamitin.

Ang nabanggit na pondo na planong kunin sa contingency fund, ay ilalagak sa ilalim ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) pero ang implementasyon ay nasa kamay ng Department of Health.

Binibigyan ng panukala ng awtorisasyon ang Department of Health at National Task Force on COVID-19 na idaan sa negotiated procurement ang bakuna at kailangang supplies, pati ang pagpapahintulot sa Local Government Units ( LGUs) at mga pribadong kompanya na bumili ng COVID-19 vaccines.

Nasa panukala din ang pagbibigay ng DOH ng digital vaccine passport sa mga mababakunahan.

Facebook Comments