Nakaantabay si Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe sa report na isusumite ng Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC) at mga telecommunications companies.
Sa naturang report ay pinapalatag ni Poe ang detalyadong plano upang mapabuti ang serbisyo at coverage ng internet sa buong bansa na lubhang kailangan ngayong may pandemya.
Diin ni Poe, maraming nagtatrabaho ngayon ang nakasandal sa serbisyo ng internet, gayundin ang ipatutupad na online learning na magsisimula sa buwan ng Agosto.
Giit ni Poe, napakahalaga rin ng internet sa pagtugon ng ating healthcare system sa COVID-19 pandemic gayundin para magpatuloy ang operasyon ng mga negosyo sa pamamagitan ng online transactions.
Samantala, inaasahan din ni Poe na kasama sa report ng NTC ang Certificate of Public Convenience and Necessity na ibinigay sa 3rd telco na Dito Telecommunity, na kinapapalooban ng full terms of reference at kopya ng lahat ng reportorial requirements.
Binanggit din ni Poe, ang NTC resolution na nagpapahintulot sa hiling ng Dito para sa anim na buwang extension para matupad ang commitment nitong magtayo ng kinakailangang infrastructure para maibigay ang pangakong 27 megabits per second na internet sa 37% ng buong populasyon sa Pilipinas.