Senado, nanawagan ng agarang hustisya para sa estudyante ng Adamson na nasawi sa hazing

Umapela si Senate President Juan Miguel Zubiri ng agarang pagbibigay ng hustisya sa Adamson University student na si John Matthew Salilig na nasawi mula sa injuries na tinamo dahil sa hazing.

Partikular na nanawagan si Zubiri sa mga awtoridad na tugisin at arestuhin ang mga suspek na nasa likod ng pagkasawi ni Salilig at tiyakin na gagamitin sa mga ito ang buong pwersa ng Anti-Hazing Law.

Paalala ni Zubiri sa mga sangkot sa hazing, ang sinumang indibidwal na nakiisa sa hazing na nauwi sa pagkamatay ng biktima ay mahaharap sa parusa na reclusion perpetua.


Hiniling din ni Zubiri na maging ang mga nagplano, nag-participate at kahit ang mga present o naroroon lang habang isinasagawa ang karahasan sa biktima pero walang ginawa para matigil ang hazing ay dapat na managot din sa batas at mabulok sa kulungan.

Samantala, naniniwala naman si Senate Minority Leader Koko Pimentel na mahigpit ang parusa sa ilalim ng Anti-Hazing Law at ang kailangan ngayon ay ang mahigpit na pagpapatupad ng batas upang maiwasan na maulit ang ganitong insidente.

Dagdag pa ni Pimentel, marapat lamang na agad resolbahin ng mga law enforcer ang nasabing kaso at kung may ebidensya ay agad na maghain ng asunto sa mga indibidwal na mapapatunayang nasa likod ng krimen.

Facebook Comments