Umapela si Senator Imee Marcos sa Philippine Ports Authority (PPA) at sa mga nagmamay-ari ng barges at tugboats na tumulong sa mga lugar na may bumagsak na tulay.
Ayon kay Marcos, habang patuloy pa na isinasaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga bumagsak at nasirang tulay ay nananawagan na siya sa PPA at sa mga private owner ng mga barge at tugboat na tumulong sa pagtawid sa mga lugar na nawalan ng access matapos ang paghagupit ng Bagyong Paeng.
Inihihirit ng senadora na magpahiram ang mga barge at tugboat operator ng kanilang kagamitan sa PPA at sa mga Local Government Unit partikular sa mga lugar sa Antique, Zamboanga at Cotabato kung saan ang mga tulay rito ay winasak ng nagdaang kalamidad.
Nauna rito ay mayroong barge na ipinadala para makatawid sa bumagsak na tulay sa San Juan- Sariaya- Candelaria.
Naisakatuparan ang pagtawid na ito sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan ng Quezon at Batangas.
Ang barge ang magseserbisyo sa mga behikulo at indibidwal para kumonekta o makatawid sa pagitan ng dalawang lalawigan.