Nakiisa si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga manggagawa ngayong Labor Day para sa panawagan ng tamang sahod, benepisyo at maayos na kondisyon sa trabaho.
Kasabay nito ang pangako ni Zubiri na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng mga panukalang batas na magbibigay proteksyon at magpapabuti sa kalagayan ng mga manggagawang Pilipino partikular sa usapin ng dagdag na sweldo.
Ayon kay Zubiri, batid niya na napakahalaga ng mga ipinaglalaban ng mga manggagawa lalo pa’t patuloy ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at bayarin.
Hindi na rin talaga sapat ang kasalukuyang sahod dahil kahit aniya pagpaguran pa ng isang manggagawa ang kanyang full-time na trabaho ay hindi pa rin ito sumasapat para masuportahan ang pangangailangan ng isang pamilya.
Iginiit pa ng senador ang agad na paghahanap ng solusyon para sa lumalawak na agwat sa pagitan ng sahod at mga gastusin.
Naunang inihain ni Zubiri ang Senate Bill 2002 o ang Across-the-Board Wage Increase Act of 2023 na layong dagdagan ng ₱150 ang minimum wage sa pribadong sektor sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, ang National Capital Regeion (NCR) ang may pinakamataas na minimum wage na nasa ₱570 kada araw para sa non-agriculture habang pinakamababa naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nasa ₱316.00 kada araw para sa non-agriculture.