
Tiwala ang mga senador na “on target” pa rin ang pagapruba sa 2026 national budget.
Ito’y matapos na maudlot kagabi ang inaasahan sanang pagapruba sa pambansang pondo sa ikalawang pagbasa at sa halip ngayong hapon na lamang ito gagawin sa plenaryo.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian, aabot pa naman kung ngayong araw ang pagapruba sa budget sa second reading at pagkalipas ng tatlong araw o sa susunod na Martes ay saka nila ito pagbobotohan para maipasa sa ikatlo at huling pagbasa.
Dagdag ni Senate Majority Leader Migz Zubiri, sa Martes pa talaga nila ito mapapagtibay dahil sa Lunes ay holiday kaya on-target pa rin sila sa approval ng national budget.
Paliwanag naman ni Gatchalian tungkol sa muling pagkabitin sa budget ay dahil may mga items pa silang kailangang tingnan gayundin ay may mga amyenda at suhestyon pa na gustong ipasok ang mga senador.
Muli namang tiniyak ni Gatchalian na malabo ang pinangangambahang reenacted budget sa susunod na taon.









