Pag-aaralan pa ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kung dapat pa bang magdaos ng imbestigasyon tungkol sa kaso ng pagpaslang sa radio broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Committee Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa na naunang tumawag sa kanya ang Philippine National Police (PNP) at nakiusap na huwag munang magsagawa ng pagdinig dahil maghahain pa sila ng mga kaso laban sa mga dawit sa pagpatay kay Lapid.
Pero ngayon aniya na nasampahan na ng kaso ang mga sinasabing sangkot sa pagpaslang sa mamamahayag ay pag-uusapan naman nila sa komite kung itutuloy pa ang nasabing imbestigasyon.
Layunin naman aniya ng imbestigasyon na makatulong sa pagpapabilis ng pagkamit ng hustisya.
Kakausapin din ni Dela Rosa ang mismong may-akda ng resolusyon na si Senator Bong Revilla kung talagang gusto pa nitong silipin ang kaso ni Lapid at saka ito pag-iisipan ng miyembro ng komite.
Dahil may kaso nang naihain laban sa mga suspek sa pagpatay kay Lapid at maituturing na itong ‘solved’ ay lalabas lamang na nagga-grandstanding lang siya sa naturang isyu.