Manhunt sa pumatay sa isang pulis sa Cagayan, ipinag-utos na ng PNP chief

Iniutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang malawakang manhunt operation sa responsable sa pananambang at pagpatay sa isang pulis sa Barangay Libertad, Abulug, Cagayan kagabi.

Ayon kay Gen. Azurin, inatasan niya ang Police Regional Office (PRO) 2 na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa krimen.

Kasabay nito, ipinaabot ni Azurin ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng biktima na kinilalang si Police Major Rafael Tangonan na naka-assign sa Regional Finance Service Office 2.


Tiniyak pa ni Azurin na ipagkakaloob ng PNP ang lahat ng tulong at benepisyo sa naulilang pamilya ni Maj. Tangonan.

Base sa paunang report, nagmamaneho ng kanyang sasakyan ang naturang pulis nang pagbabarilin siya ng dalawang suspek na lulan ng brown na Toyota Innova.

Facebook Comments