Hindi pa pinal ang desisyon ng Senado na tanggalan ng confidential funds ang ilang mga civilian agencies kabilang na rito ang Office of the Vice President (OVP), Department of Education (DepEd) at iba pa.
Ayon kay Senator Imee Marcos, ang nangyari pa lamang ay sinang-ayunan ng lahat ng senador na i-adopt o tanggapin ang desisyon ng Kamara na alisan ng confidential funds ang mga civilian agencies na nabigyan nito noong una sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP).
Aniya, sasalang pa sa deliberasyon at debate ng mga senador sa plenaryo ang desisyong tuluyang tanggalan ng confidential funds ang ilang civilian agencies at saka ito pagbobotohan.
Sinabi ni Marcos na may mga senador na hayagan ang pagsusulong na alisan ng confidential fund ang ilang civilian agencies lalo na ang tanggapan ni Vice President Sara Duterte na kilalang kaibigan at malapit sa senadora.
Magkagayunman, may mga mambabatas din na umaapela na huwag pagdamutan ng confidential funds ang nasabing opisina lalo’t isang hakbang lang ang tanggapan nito sa opisina ng presidente na mayroon namang P4.5 billion na confidential at intelligence funds.
Binigyang diin pa ni Sen. Marcos na mismong si VP Duterte na ang nagsabing ipinauubaya niya sa Kongreso ang desisyon kung pagbibigyan sila o hindi sa confidential funds.