Pinaglalatag ng Senado ang Department of Energy (DOE) ng malinaw na direksyon para sa Philippine National Oil Company (PNOC) at sa mga subsidiaries nito.
Tinukoy ni Senator Sherwin Gatchalian na sa kabila ng mandato na magbigay ng sapat na suplay ng produktong petrolyo para tugunan ang domestic requirements at ang itaguyod ang exploration at pagpapaunlad sa pinagkukunan ng local petroleum, hindi naman nagagawa ng PNOC at subsidiaries nito na epektibong magsagawa ng mga aktibidad na may kaugnayan sa kanilang mga tungkulin.
Sinita ng senador ang kawalan ng kaayusan ng PNOC tulad na lamang noong 2013 kung saan nakapagtala ng ₱380 million na pagkalugi ang PNOC Renewables Corp. (PNOC RC) habang ang PNOC-Exploration Corp. (PNOC EC) ay bigong makapag-produce ng langis at gas bukod sa Malampaya gas field.
Bukod dito hindi rin nakatulong sa Pantawid Pasada Program ang targeted fuel relief program (TFRP) ng PNOC gayundin ay hindi rin napakinabangan ang strategic petroleum reserve (SPR) at ang energy supply base (ESB) project para sa sapat na oil supply.
Dahil dito, kinalampag ni Gatchalian ang DOE na pangunahan na ang pagbibigay ng direksyon sa PNOC dahil mahalagang maipakita ang presensya ng gobyerno sa larangan ng oil exploration at development lalo’t humaharap pa rin ang bansa sa mga hamon na may kinalaman sa sapat na suplay ng enerhiya.