Pinatitiyak ni Senator Raffy Tulfo na magagamit ang ₱150 million confidential funds ng Department of Education (DepEd) para sa kaligtasan at proteksyon ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin ni Tulfo ang pangangailangan na mapangalagaan at maprotektahan ang mga estudyante mula sa mga molesters, kidnappers, drug dealers at iba pang child predators.
Ipinunto ng senador na maaaring magamit ng DepEd ang confidential fund para mapigilan ang posibleng krimen at pambibiktima sa mga kabataan.
Inirekomenda ni Tulfo na manguna ang DepEd sa information gathering o intelligence networking para matulungan ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga kaso na may kinalaman sa mga paaralan.
Katwiran ng senador, ang PNP at PDEA ay marami nang inaasikasong mga kaso kaya mainam na rin kung magkakaroon ang DepEd ng sariling intelligence network upang madaling ma-track down ang mga taong nagsasamantala sa kawalan ng seguridad sa mga paaralan.
Naunang ibinulgar ng DepEd na may mga kaso ng sexual grooming, sexual abuse, at bentahan ng illegal drugs gayundin ang mga talamak na criminal activities sa loob at labas ng mga eskwelahan.