Senado, pinaghahanda ang pamahalaan sa epekto ng posibleng ‘power shortage’ sa bansa

Pinaghahanda ni Senator Cynthia Villar ang pamahalaan sa posibleng epekto ng ‘power shortage’ sa kabila ng tinatamasa ngayon na pagsigla ng ekonomiya.

Sa taong 2022 ay umangat sa 7.6 percent ang gross domestic product (GDP) growth rate ng bansa na siyang pinakamataas na pagangat sa ekonomiya sa nakalipas na mahigit 40 taon.

Ayon kay Villar, isa sa mga tinitingnan na posibleng maging problema ay ang kawalan ng sapat na suplay ng kuryente at ikinakabahala na dahil dito ay magmamahal ang singil sa kuryente na magreresulta sa pagtaas ng inflation rate.


Sa ngayon ay wala naman aniyang ‘major problem’ ang bansa dahil gumaganda na ang balita tungkol sa pandemya at wala nang masyadong nagkakasakit.

Sinabi ni Villar na hindi pa naman ito sigurado pero isa ito sa ‘fear’ o kinatatakutan sakaling magka-shortage sa power pero kung makokontrol naman ang nasabing problema ay wala itong magiging epekto.

Inaasahan kasing sa mga susunod na taon ay unti-unti nang mauubos ang Malampaya na posibleng makaapekto sa power shortage subalit sinabi naman ni Villar na dumarami na ang nagtatayo ng solar farms at nakakahanap na rin ng iba pang energy source na maaaring pamalit dito.

Facebook Comments