Kinalampag ni Senator Grace Poe ang Land Transportation Office (LTO) na magbigay sa publiko ng kumpletong report patungkol sa problema ng backlog sa mga plaka ng mga sasakyan at license cards.
Ito ay para magkaroon ng klaro at kumpletong impormasyon ang publiko sa mga isyu na kinakaharap ng LTO sa ngayon.
Giit ni Poe na Chairman ng Committee on Public Services, nagkakaroon na ng “notorious” na reputasyon na palpak ang LTO sa paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Ayon kay Poe, hindi naman uubra na palagi na lang sasabihan ng LTO sa mga motorista na mag-“DIY” o “Do It Yourself” na lang at puro band-aid solution lang ang iminumungkahi na naghahatid ng peligro sa seguridad at posibleng pag abuso sa ating mga kababayan.
Dapat aniya ay may mahusay na pagpaplano at pag-estimate ang LTO para hindi sila kinukulang ng mga suplay na kailangan sa pagseserbisyo nila sa publiko partikular sa mga motorista.
Mahalaga rin aniyang malaman kailan ang kanilang timeline para tugunan ang mga kakulangan sa kanilang supply at paano nila ito gagawin.
Binigyang diin ni Poe na binabayaran ng motorista ang plaka at lisensya kaya hindi katanggap-tanggap na sa huli, ang solusyon ay papel na kanya-kanya ang imprenta.