Senado, pinakikilos ang DOJ tungkol sa alegasyon na sinadyang patayin ang mga high-profile inmates sa Bilibid

Pinakikilos ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Justice (DOJ) para imbestigahan ang alegasyon ng isang inmate tungkol sa ilang mga high-profile prisoner sa New Bilibid Prison (NBP) na sadya umanong pinatay at hindi talaga nasawi sa COVID-19.

Giit ni Hontiveros, ang usaping ito ay hindi lamang basta nakakaalarma kundi apektado rin ang criminal justice system ng bansa.

Nananawagan ang senadora sa DOJ na agad siyasatin ang mga seryosong rebelasyon kahit pa ang maging kapalit nito ay ‘total overhaul’ o paglilinis sa buong correctional system.


Hiniling din ni Hontiveros sa DOJ na bigyang proteksyon ang naturang ‘person deprived of liberty’ o PDL whistleblower dahil posibleng nasa panganib na ang buhay nito matapos ibulgar ang mga nangyari sa ilang high-profile inmates na nasawi sa Bilibid.

Umapela rin ang mambabatas sa mga kasamang senador na gamitin ang ‘oversight powers’ para imbestigahan ang mga nangyayaring pagtatakip sa correctional facility at makalikha ng batas na magbibigay remedyo sa mga iligal na gawain at mga pang-aabuso sa mga kulungan.

Facebook Comments