LINEMAN NG ISELCO-2 NA UMAWAT SA AWAY, PATAY SA PANANAKSAK

Nasawi ang isang lalaki mula sa Brgy. Sili, Aurora, Isabela matapos itong masaksak ng 3 beses sa iba’t ibang bahagi ng katawan, nitong December 14, 2022.

Kinilala ang biktima na si Rodel Nacionales, 26-taong gulang, binata,lineman, at residente ng nabanggit na lugar habang ang suspek naman ay kinilala sa alyas na “Roberto”, 32 taong gulang, may asawa, at residente naman ng Brgy. San Juan, Aurora.

Sa exclusive interview ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Angelo Pagulayan ng PNP Aurora, pasado alas-dos ng madaling araw ng maganap ang insidente ng pananaksak sa Brgy. Bolinao, Aurora.

Ayon sa mga nakasaksi, umawat umano ang biktima matapos magkaroon ng komosyon sa isang lamay sa nasabing Barangay sa pagitan ng mga kaanak ng namatay at mga bumibisita.

Nang tuluyan na umanong maawat ang dalawang panig ay makalipas lang ang ilang minuto sa di kalayuan mula sa lamay ay bigla umanong inundayan ng tatlong (3) sunod-sunod na saksak ng suspek ang biktima.

Agad namang isinugod sa Padron Tibio Medical Clinic, Aurora, Isabela si Nacionales na nagtamo ng saksak sa kaniyang kanang dibdib, hanggang sa bawian rin ito ng buhay.

Tinangka pang tumakas at magtago ng suspek ngunit makalipas lamang ang ilang oras ay nadakip rin ito ng mga kasapi ng PNP Aurora.

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang nasabing suspek at kasalukuyan nang inihahanda ang kasong murder na isasampa laban sa kaniya.

Facebook Comments