Kinalampag ni Senator Christopher “Bong” Go ang Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation (DOTr) na magtulungan para resolbahin ang problema sa kakulangan sa plastic cards para sa paggawa ng driver’s license.
Binigyang diin ng senador ang pangangailangan sa agarang solusyon para mabawasan ang bigat sa mga motorista na kasalukuyang dumaranas na ng hirap.
Iginiit ni Go na dapat ay inasahan o naisip na ng mga ahensya na magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng cards panggawa ng driver’s license at nakahanap na rin dapat ng paraan para makapagbigay ng mas epektibo at napapanahong serbisyo sa publiko.
Punto pa ng mambabatas, nagbabayad ng tama ang mga Pilipino kaya naman hindi dapat ipinapasa sa mga ito ang naturang problema.
Tinukoy pa ng senador ang malaking abala na pwedeng idulot ng papel na driver’s license sa mga motorista gaya na lamang kapag umuulan at nabasa ito, napunit o kaya ay nawala.
Dagdag pa ni Go, kawawa naman ang mga motorista na magpapabalik-balik pa sa LTO para makuha ang papel na driver’s license at para naman i-claim ang plastic cards driver’s license.