Pinamamadali na ni House Committee on Economic Affairs Chairman Sharon Garin sa Senado ang pag-apruba sa bersyon ng kanilang panukala na New Public Service Act.
Naniniwala si Garin, main sponsor at may-akda ng panukala sa Kamara, na ang pagkabinbin sa panukala ay isang disservice sa mga Pilipino.
Ang House Bill 78 o pagamyenda sa Public Service Act ay nakapasa na sa ikalawang pagbasa sa Kamara at nakatakdang aprubahan sa huling pagbasa bago ang session break habang ang Senate Bills 318, 1257 at 1372 ay nakabinbin pa sa Senate Committee on Public Services.
Umaasa si Garin na bago mag-recess ang 1st regular session ay ma-ko-consolidate na ng Mataas na Kapulungan ang mga panukala sa Public Service Act.
Sa ipinasang bersyon ng Kamara, bibigyan na ng depinisyon ang public utility kung saan lilimitahan ito sa distribution at transmission ng electricity system, water pipeline distribution at sewerage pipeline system.
Bubuksan din ito sa dayuhang pamumuhunan na magiging daan naman para mapalakas ang capital, kompetisyon, dagdag na trabaho at pagbaba ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Tiniyak naman ni Garin na hindi mauuwi sa pangaabuso ang pagbubukas sa public utilities sa foreign ownership dahil sa mga ilalatag na safety measures.