Pinatitiyak ni Senate Committee on Migrant Workers Chairman Senator Raffy Tulfo sa Department of Migrant Workers (DMW) na magiging matibay ang ebidensya laban sa suspek na pumaslang at nanunog ng bangkay ng isang Pinay Overseas Filipino Workers (OFW) sa Kuwait.
Sa ginanap na consultative meeting sa Senado, ang biktimang OFW ay kinilalang si Jullebee Ranara, 35 taong gulang, na natagpuang sunog ang bangkay nitong Linggo sa gitna ng isang disyerto sa nasabing bansa.
Sa pulong ay tinukoy ni Migrant Workers Secretary Susan ‘Toots’ Ople na ang suspek ay ang lalaking anak ng employer ni Ranara na ngayon ay arestado na ng Kuwaiti officials.
Ang biktima na noong July 2022 lang na-deploy sa Kuwait ay maraming beses nang sinaktan at pinagmamalupitan ng anak ng employer.
Ayon sa Kalihim, nakausap niya ang mga kaanak ng biktima at base sa mga kamag-anak ay nakausap pa nila noong Biyernes si Ranara at pagsapit ng Sabado ay hindi na makontak ng kanyang pamilya ang biktima.
Naibahagi pa umano ni Ranara sa mga kaanak ang pananakit at pananakot na ginagawa sa kanya ng anak ng employer.
Tiniyak naman ni Ople sa komite ang agarang pagbibigay ng hustisya sa mga naiwang kaanak ng biktima.