Senado, pinatitiyak sa DHSUD ang kumpletong pangangailangan at pasilidad sa mga itatayong pabahay

Pinatitiyak ni Urban Planning, Housing and Resettlement Chairman Senator JV Ejercito sa Department of Human Settlements and Urban Development o (DHSUD) ang tunay na township development para sa mga pabahay na itinatayo sa bansa.

Sa pagdinig hinggil sa panukalang On-Site, In-City or Near-City Resettlement Act., pinuna ni Ejercito na nagiging vicious cycle o paulit-ulit na lang na magbibigay ng pabahay sa mga informal settlers families pero iniiwan din kalaunan dahil sa kawalan ng hanapbuhay, malayo sa trabaho at walang health at educational facilities.

Sa pagkakataong ito ay nais ni Ejercito na sa ilalim ng bagong pamunuan ng DHSUD ay matutukan ang pagpapahusay at pagpapaunlad sa lugar kung saan lahat ng serbisyo at pangangailangan ng mga tao ay naroroon na.


Aminado naman si DHSUD Usec. Avelino Tolentino III na may mga pagkakataong nauuna ang paglilipat bago ang pag-develop sa lugar na pinaglipatan.

Tinukoy naman ni Senator Raffy Tulfo na problema din ang kawalan ng access sa transportasyon ng mga informal settlers at pahirapan din ang pagkuha ng requirement sa mga utility company gaya ng tubig at kuryente kaya umaalis ang mga ito sa mga pabahay na ibinigay sa kanila ng gobyerno.

Nangako naman ang DHSUD na sisiguruhin nila na maibibigay ang mga pangunahing pangangailangan sa mga ide-develop na resettlement sites.

Facebook Comments