Senado, pinatotohanan ang mga nakatenggang irrigation projects; Sen. Tulfo, nagbabala sa NIA officials na maaari silang mapa-cite-in contempt kung magsisinungaling sa imbestigasyon

Pinasinungalingan ni Senator Raffy Tulfo ang claim ng National Irrigation Administration (NIA) na luma ang kanyang mga naunang iprinisintang larawan at videos patungkol sa mga iregularidad at hindi natapos na irrigation projects ng ahensya.

Sa umpisa pa lang ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, nagbanta si Tulfo sa mga opisyal at tauhan ng NIA na maaari silang mapa-cite in contempt at ma-detain sa Senado kapag napatunayang nagsisinungaling ang mga ito lalo’t sila ay “under oath” o nanumpang magsasabi ng katotohanan.

Ayon kay Tulfo, nagpadala siya ng mga staff sa Ilocos para inspeksyunin ang nakarating na report sa kanya hinggil sa mga napabayaang proyekto ng NIA sa kabila ng malalaking pondong ina-allocate rito ng Kongreso taun-taon at may mga residente at magsasaka na nakausap ang kanyang mga staff para patunayan na hanggang ngayon hindi pa rin tapos ang ilang dekada nang mga irrigation projects.


Sa pagdinig ay iprinisinta ni Tulfo sa komite ang video ng pagpunta ng kanyang staff kamakailan lang sa mga hindi pa rin tapos na irrigation projects.

Kabilang sa mga videos na ipinalabas sa komite ang kaawa-awang sitwasyon ng Angat-Maasim Resevoir Irrigation, Binagbag Communal irrigation system, Sulvec small reservoir irrigation project, Barbar small reservoir irrigationproject, at Baguyos communal irrigation project.

Na-interview din ng staff ng senador ang mga magsasaka sa mga lugar ng nabanggit na irrigation projects at pinatotohanan ng mga ito na hindi nila napakinabangan ang mga proyekto, hindi rin ito tapos at wala rin silang tulong na nakuha mula sa NIA para sana sa mga makina at kagamitan sa patubig sa kanilang mga sakahan.

Sa halip ay mismong mga magsasaka na lamang ang bumibili ng kanilang sariling water pumps o bomba para sa patubig sa kanilang sakahan at nagbabayanihan para magawa ang anumang sira sa irigasyon.

Nabanggit din ng mga magsasaka na minsang may pumunta at naginspeksyon sa kanilang mga irigasyon noong nakaraang taon pero pagkatapos ng pagbisita ay wala nang nangyari.

Binanggit din ni Tulfo na “as of June 2022” 65.28 percent lang ng 3 million 128 thousand hectares ng kabuuang irrigational areas ng bansa ang irrigated habang 38 lang sa 80 target provinces at chartered cities ang nakatanggap ng agricultural machineries, equipment, facilities at small scale irrigation projects.

Facebook Comments