Pinag-aaralan na ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang pagpapaimbestiga ng Senado sa ginawang pagtanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) sa 36 na Chinese nationals bilang auxiliary o dagdag na pwersa sa ating coast guard.
Kasunod ito ng pahayag ng senador na hindi niya nagustuhan ang ginawang pagre-recruit sa Chinese nationals bilang dagdag na pwersa sa PCG kung saan ilan pa sa mga ito ay nabigyan pa ng mataas na posisyon.
Ayon kay Dela Rosa, kung sinasabi man na hindi banta sa national security ang mga Chinese na ito, hindi pa rin aniya ito magandang tingnan dahil nag-iwan pa rin ito ng pinsala sa ating national pride matapos na payagang magsuot ng ating uniporme at binigyang pagkilala bilang auxiliary members ng PCG ang mga hindi naman Pilipino.
Sinabi ng senador na tatanungin niya ang PCG kung bakit ginawa ito at dito’y titimbangin kung kailangang imbestigahan ang isyu.
Matatandaang sa naging imbestigasyon naman ng Kamara ay inamin ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil na 36 na Chinese ang nagboluntaryo at tinanggap na maging bahagi ng PCG Auxiliary pero inalis na rin ang mga ito matapos na bigong makapagbigay ng national security clearance.
Gayunman, inabot pa ng dalawa hanggang tatlong taon bago tinanggal sa listahan ang Chinese nationals sa PCGA.