Magbabalik na sa Lunes, May 17 ang Session ng Kongreso na regular na ginagawa mula Lunes hanggang Miyerkules.
Kaugnay nito, nais ni Senate President Tito Sotto III na gawin ang session hanggang Huwebes upang magkaroon sila ng mas mahabang panahon para maipasa ang ilang mahahalagang panukalang batas.
Ayon kay Sotto, kabilang sa kanilang prayoridad na ipasa ay ang panukalang Public Service Act, Retail Trade Act, Department of Overseas Filipinos at iba pa.
Umani naman ng suporta mula sa mga senador ang nais ni Sotto.
Bukas si Senate President Pro tempore Ralph Recto sa dagdag na araw ng sesyon at pag-uusapan nila ito sa kanilang caucus sa Lunes.
Sabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, nabanggit na ito sa kanya ni SP Sotto at kanyang itong sinuportahan kasabay ng paalala na noong dekada nobenta, na sila ay baguhang senador pa lang ay apat na araw talaga ang session nila at doon nila tinatalakay ang mga local bills.
Pabor din dito si Senator Sherwin Gatchalian dahil masyado ng maiksi ang siyam na araw nilang session para matapos ang lahat ng priority measures.
Payag din dito si Senator Sonny Angara para mas marami silang matalakay at maipasang panukalang batas
Okay rin ito kay Senator Grace Poe dahil marami silang major priority bills na dapat pag-ukulan ng panahon tulad ng Public Service Act na nasa ilalim ng kanyang komite.
Nagpahayag din ng suporta sa dagdag na araw ng session sina Senators Imee Marcos, Kiko Pangilinan at Panfilo “Ping” Lacson.